PINAKAWALAN na ng Senate Blue Ribbon Committee si dating AFP Comptroller Lt. Gen Jacinto Ligot at inalis na rin ang contempt charges laban sa asawa nitong si Erlinda Martes, Marso 29.
Ayon kay Committee Chairman Teofisto Guingona III, kuntento sila sa mga sagot ng mag-asawa kaya’t walang dahilan para ituloy pa ang reklamo sa kanila.
Magugunitang ikinulong sa senado si ligot noong Huwebes ng gabi samantalang si Erlinda ay nanatili sa tahanan nito “for humanitarian reason.”
Sinabi ni Senate President Pro Tempore Sen. Jinggoy Estrada na inulit lamang nila ang mga tanong noong nakaraang pagdinig at nasiyahan naman sila sa sagot nang mag-asawang Ligot kung kaya’t nagpasya ang komite na pakawalan na ito.
Sa nasabing pagdinig, inamin ni Erlinda na ang Erllinda Ligot at Erlinda Yambao ay iisang tao lamang at siya ang nagbenta ng bahay sa Estados Unidos.
Inirekomenda naman ni Senador Franklin Drilon ang pagsampa ng graft charges laban sa mag-asawa.
“This Committee, in its report, should recommend that new forfeiture cases be filed against the Ligots and Mr. Yambao to include the properties and money that have not been included yet in the pending forfeiture case. We also recommend that anti-graft cases be filed against the General Jacinto Ligot, Mrs. Erlinda Ligot and Mr. Edgardo Yambao,” ayon kay Drilon.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig, isa pang testigo ang lumutang sa Senado para patunayan ang talamak na kurapasyon sa Armed Forces of the Philippines.
Pinatunayan ni retired Col. Romeo Mateo ang mga akusasyon ni dating AFP budget officer George Rabusa na may conversion of funds sa AFP na pinagkukunan ng payola ng matataas na opisyal ng militar.
Ayon kay Mateo, simula taong 1989 ay mayroon ng conversion na nagaganap sa AFP kung saan kabilang siya sa nagko-convert ng allotment order sa J6 o office of the AFP comptroller upang gawing cash.
Hanggang sa P11 million umano ang kanilang kino-convert na pera bawat buwan.
Aminado si Mateo na kabilang siya sa nakikinabang sa naturang katiwalian dahil umaabot sa 1.5% ang kanyang tinatanggap na komisyon .
Nauna rito, inamin ni Col. Cirilo Thomas Donato, dating ISAFP comptroller, na tumanggap siya ng payola at kotse mula kay Rabusa. Pero itinanggi nitong nagkaroon ng conversion sa kanyang panahon sa halip ay cash advance lamang. (ulat mula kay Vicky Cervales/Remate)